Lokasyon: Munisipalidad ng Heneral Tinio, Nueva Ecija
Laki: Humigit kumulang 2,018 ektarya ang laki ng parke na nasa ilalim ng pangangalaga ng local na gobyerno.
Entrance fee: Sa pagkakaalala ko ay nagbayad kami ng kwarenta pesos isang tao at singkwenta pesos ang parking fee ng sasakyan.
Paano pumunta: Mag "google" sapagkat may dala kaming sasakyan noong kami ay bimisita sa nasabing lugar, este sumakay kami. Hindi namin dinala - mabigat.
Istorya: Pasok!!!!
Pagkatapos ng masayang kainan at walwalan sa isang bertdayan (birthday) habang nagtatampisaw sa malamig na swimming pool ay napagdesisyunan ng grupo na dumaan sa lokasyon kung nasaan ang Minalungao National Park bago bumalik sa magulong buhay ng kamaynilaan. Lahat kami ay eksayted, kahit gutom ay pinili naming madaliin ang aming tanghalian para makarating ng maaga sa aming patutunguhan. Masaya ako kasi dati ko pa pinapangarap na mabisita ang lugar para makapag selfie ng malupit at magamit ko ito upang mailagay sa aking peysbuk bilang profile picture.
Inabot kami ng mahigit dalawang oras sa kalsada sapagkat maalikabok at malubak ang ibang daan na sinamahan pa ng sandamakmak na selfie gamit ang aming gopro para extreme ang datingan.
Pag dating namin sa lugar, pagpasok pa lamang ng aming sasakyan sa gate ay siningil na kami ng kwarenta pesos isang tao at singkwenta para sa parking fee ng sasakyan.
Matapos magbayad ay agad agad kaming dinumog ng mga batang nag aalok ng tour sa loob ng parke, walang pagdadalawang isip ay pumayag kaming lahat. Doon nakilala namin ang musmos na si Ceejay, itinama pa nga nya kami ng akala namin na "CJ" lang ang kanyang pangalan.
Si Ceejay ay isang tourist guide
Madaldal na bata si Ceejay
Papasok sa madilim na kweba si Ceejay
Si Ceejay, makikitaan mong mahal nya ang ginagawa nya,
Matalino si Ceejay
Tularan si Ceejay
Sa aming paglalakad nakita ko na madaming tao ang masayang naliligo sa ilog at ang iba naman ay nagsasalo salo habang nakasakay sa balsang gawa sa kawayan.
Maraming pwedeng pagkaabalahan sa parke, pwede kang mag zipline sa halagang isang daang piso ay meron ka ng pamasahe balikan. Hindi man sya ganun kahaba at kataas pero sapat na ito para ma-enjoy mo ang overlooking view ng mga rock formations sa lugar.
Maari ka ring tumalon sa matataas na tipak ng bato at bumagsak sa malamig na tubig nito o kaya naman ay pasukin ang masukal at madilim na kweba sa dulo ng trail.
Sa aming patuloy na paglalakad ay unti-unti akong nadismaya sa aking mga nakita,
maraming kalat sa lugar, kalat na gawa ng mga tao. Akala ko ang lugar na ito ay nasa ilalim ng pangangalaga ng gobyerno? Bakit ganun? ang daming basura!!!! Sa totoo lang, maganda sana siya pero sinira na ng mga ignoranteng turista ang ganda nito, may mga bandalismo rin ang mga bato.
Nakakagalit ang kalagayan ng Minalungao National park. Wala kaming ginawa kung hindi mag rant ng mag rant tungkol sa mga basurang nagkalat.
Para syang isang birhen na ilang ulit pinagsawaan ng iba't ibang lalaki. Siguro kung makakapagsalita lamang ito ay baka matagal na niyang minura ang mga nangangalaga sa kanya. Narinig ko umiiyak at naghihingalo na siya at kung patuloy pang sisirain ay baka tuluyan ng maglaho ang isa pang hiyas na maaring ipagmalaki ng bayan ng Nueva Ecija.
Nawa sa aking pagbabalik ay makakita ako ng pagbabago. Nais kong makita ang kanyang orihinal na ganda. Sana ay pagtibayin pa ng local na pamahalaan ang pangangalaga sa paraisong ito.
Maniniwala kaba na sa ilalim ng karatulang ito ay nagkalat ang iba't ibang klaseng basura?
Isulong nating ang pangangalaga sa natural na yaman ng ating bansa, pangalagaan upang ang mga susunod na henerasyon ay magkaroon pa ng tyansa na masilayan ang ganda ng pilipinas. Hindi pa huli ang lahat. Sabi nga sa lungsod ng makati, "Makati, Mahalin natin ito, Atin 'to" (PS. hindi ako supporter nga mga Binay ha??)
#hugotngthelakwatserangnegra